Monday, May 18, 2015

The Heart of a Coach

              Nais ko lamang ibahagi ang karanasang hindi ko malilimutan noong 2007, nang dahil sa pagnanais na subukang magsanay at hasain ang mga bata sa kinagigiliwan kong isport- ang balibol. 

              Naaalala ko pa na nagchampion sa Municipal Meet ang aming paaralan kaya siyang magiging representative sa Provincial Meet. Walang nais magdala ng team kaya ako'y nagprisinta dahil gusto ko lang talagang magtrain. Pumayag naman ang aming punongguro pero panay naman ang tanong ko kung may makakasama akong chaperon kasi mahirap magdala ng mga elementary boys na babae ang coach kaya hayun, tinanggap  ako. Puspusang pagsasanay ang ginawa ko sa mga bata katulong ang kaibigan ko na dating mahusay na manlalaro sa aming lugar.  Sinuportahan ko ang mga pangangailang nila mula sa pamasahe, pagkain, at pag-abono ng kanilang NSO pagkuha ng trainer at iba pa. Di ko alintana kung ano ang naibibigay ko basta naisip ko lang  na kulang ang kasanayan nila at kapos din naman sila sa maraming bagay kaya pupunuan ko. Halos isang buwang  pagsasanay sa init ng araw at paghanap ng paraan para masabing may ibubuga ang koponang ito. Hay, sunog ang aking balat at lalo na ang mga manlalaro sa tagal ng training.   

             Bago magsimula ang advanced game sa Roosevelt High School, noong November ng taong iyon, nagdasal muna kami kasama si trainer. Ang dalawang labang pinanood ko bago sila maglaro ay natatantya ko na kung alin ang kaya at hindi nila kayang talunin. Unang laban, panalo; ikalawang laban, talo. Hindi ako sinamahan ni trainer sa mga laban pero tinatanong kong palagi kung ano ang dapat gawin kaya ang sabi nya, kung anong team ang maglalaro ay panoorin para malaman ang istratehiya ng laro para sa kanila. Pangatlong araw ng Provincial Meet, sabi ko sa kanila, kung matatalo kami, out na kaya pagbutihin nila. Dumating ang umaga, as usual bago lumabas ng tinitigilan naming kuwarto sa isang Elementary School sa Cainta, nagdasal kami. Unang laban noong araw na iyon, nanalo kami. Alam ko pagkatapos nito ay may dalawa pang laro para makarating sa championship. Di na ako umaasa kasi magiging hingal kalabaw sila at di makakayanan ang hirap sa init ng araw. Sabi ko lang sa kanila noong may nagtanong, may laban pa pero di ko ipinagtapat kung anong makukuha naming puwesto dahil mahirap silang paasahin. Sampung minutong pahinga lamang at sabak uli sa labanan. Mahirap ang ikalawang laro pero nanalo pa rin. Sabi nila, "Ma'am may laban pa po ba? Oo pero sandali lang ang pahinga nyo. Sampung minuto. May place po ba tayo? Oo third na tayo pag nanalo sa San Mateo. Ano pong susunod na laro? Championship na kaya galingan n'yo. Ikatlong laban,mabilis ang naging pagkapanalo nila kaya masayang-masaya na ako kasi 3-consecutive games na nanalo sila.Pero ang Tanay, para talunin sa championship ay napakahirap, twice to beat. Masaya ang mga kasama kong coach ng Cardona at suportado nila kami. Nang gumabi na, kailangan kong kausapin at pangaralan para sa pagharap namin ay matibay ang loob nila. Nagdasal at natulog nang mahimbing. 

               Umaga sa court ng Marikina Sports Center, habang naghihintay ng oras ng laro, tinawag ko sila at naikuwento ko ang Kuwento ng Paligsahan ng mga Pagong na nabuod na ang isang pagong na natira at nag-isang nakaakyat sa mataas na pader ay isa palang bingi; na kung narinig niya ang mga sigaw ng mga kapwapagong ay baka umatras at di na nagpatuloy sa laban.Sa suporta ng mga kakilala at district ng Cardona, kahit mahirap ay natalo namin ang koponan ng Tanay ng dalawang beses kahit na mas mahuhusay ang mga batang iyon. Dahil sa tibay ng loob at determinasyon ng mga bata ay nakamit nila ang hinahangad na puwesto. Sila ang mga batang medyo nilait ko ang kakayahan dahil tingin ko'y kulang pa kaya binuhos ko ang lahat.   Iyon pala: Assume that the enemy is better than you in order to win.  We won by heart and the most important, wholehearted prayer that God hears because only Him could make all things possible.  Lahat ng gawain ay mahirap kung hindi mo mamahalin at hindi mo paglalaanan ng sapat na panahon.  Sana po ay may natutunan kayo sa naishare ko. Ang panalangin ng taong nagsisikap ay ginagabayan ng nasa itaas. Maraming salamat po!